Ang Philippine Consulate General sa Hong Kong ay nagbabala sa mga kababayan, lalo na sa mga Pinay na domestic helper, laban sa mga alok na maging surrogate mother sa ibang bansa tulad ng Georgia. Madalas targetin ng mga recruiter ang mga OFW na kakakatanggal lang sa trabaho at desperadong kumita.
Modus operandi ng grupo ang hikayatin ang mga OFW na bumalik muna sa Hong Kong, saka ililipad papuntang UAE o Qatar. Mula roon, dadalhin umano sila sa Georgia kung saan gagamitin sila bilang surrogate para sa mga banyagang mag-asawang walang anak.
Ngunit sa halip na magandang oportunidad, maraming kababayan ang nauuwi sa peligro. May ulat na pagdating ng ilan sa Georgia, sila ay nakakaranas ng pang-aabuso tulad ng rape at sapilitang abortion.
Kaya't panawagan ng konsulado, huwag basta-bastang magtiwala sa mga trabahong alok sa social media o mga hindi kilalang tao. Sa halip, makipag-ugnayan sa mga opisyal na ahensiya para sa ligtas na oportunidad.
Mahalagang paalala ito para sa mga OFW: hindi lahat ng alok ay totoo at may magandang intensyon. Ingat at tamang impormasyon ang susi upang makaiwas sa kapahamakan.