
Ang tatlong taong gulang na anak ni TikTok at Instagram influencer Emilie Kiser, si Trigg, ay pumanaw matapos malunod sa isang swimming pool. Ayon sa Chandler Police Department, agad siyang dinala sa ospital at nilapatan ng lunas pero binawian ng buhay noong Mayo 18.
Hindi pa ibinabahagi ang buong detalye ng insidente habang isinasagawa ang imbestigasyon. Ipinahayag ng pulisya na bilang respeto sa pamilya, hindi muna sila maglalabas ng karagdagang impormasyon.
Ayon sa ulat, nai-report ang insidente noong Mayo 12 ng gabi. Pagdating ng mga awtoridad, agad nilang sinimulan ang CPR kay Trigg. Dinala siya sa isang lokal na ospital at pagkatapos ay inilipat sa Phoenix Children’s Hospital, ngunit nanatili siyang kritikal hanggang sa kanyang pagpanaw.
Kasama ng asawang si Brady Kiser, si Emilie ay kilala sa pagbabahagi ng content tungkol sa motherhood at lifestyle sa social media. Mayroon siyang mahigit 1.3 million followers sa Instagram at 3.5 million sa TikTok. Kamakailan lang noong Marso, isinilang niya ang kanilang pangalawang anak, si Theodore.
Isang malungkot na panahon ito para sa pamilya Kiser. Maraming netizens at followers ang nagpahayag ng pakikiramay at pagmamahal sa kanila sa pamamagitan ng social media.