
Ang Malasakit Centers ay naglalayong tulungan ang mga Pilipinong may mababang kita sa kanilang gastusing medikal at pinansyal. Pinagsama dito ang serbisyo ng DOH, DSWD, PhilHealth, at PCSO para mas madali ang pagkuha ng tulong sa isang lugar lang. Dahil dito, hindi na kailangang lumabas ng ospital para magpa-assist sa iba't ibang ahensya ng gobyerno.

Para makakuha ng tulong, pumunta lamang sa pinakamalapit na Malasakit Center sa government hospital. Kailangan mag-fill out ng mga form at magpasa ng ilang dokumento tulad ng medical certificate, certificate of indigency, at hospital bill. Susuriin ng mga social worker at ahensya kung anong tulong ang karapat-dapat para sa'yo, tulad ng libreng gamot, laboratory tests, o bayad sa ospital.

Marami na ang natulungan ng Malasakit Centers mula nang ito ay naipatupad noong 2019. Tulad nina Grekko Dequina at Joerisa Pantaleon, na hindi na kinailangan magbayad ng malaki sa ospital dahil sa tulong ng programa. Ang pondo ng Malasakit Centers ay galing sa gobyerno, kaya karapatan ng bawat Pilipino na magamit ito nang walang kahihiyan.
