Ang mga rider ng MoveIt ay makakahinga muna ng maluwag. Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi muna ipatutupad ang planong pagbawas sa bilang ng mga units ng kompanya.
Ayon kay LTFRB spokesperson Ariel Inton, nananatili ang status quo sa operasyon ng mga motorcycle taxi matapos magsampa ng Motion for Reconsideration ang MoveIt laban sa kautusan ng Department of Transportation (DOTr).
Ipinaliwanag ni Inton na ang regulasyon para sa motorcycle taxis ay hindi LTFRB lang ang gumagawa. Kasama rin dito ang DOTr at Land Transportation Office (LTO) sa ilalim ng Technical Working Group (TWG).
Dagdag pa niya, utos ni Secretary Vince Dizon na manatili ang kasalukuyang setup habang pinag-aaralan pa ang motion ng MoveIt. Kaya’t makakapagtrabaho pa rin ang mga rider sa ngayon.
Naglabas ng pahayag ang LTFRB matapos ang isang rally sa kanilang tanggapan sa Quezon City, kung saan ipinahayag ng mga rider ang pagtutol sa balak na alisin ang 14,000 units ng MoveIt at ang pagtigil ng operasyon sa Cebu at Cagayan de Oro.