
Ang TV5 cameraman na si Mac Ortiz ay pinuri matapos mag-live report tungkol sa Bagyong Uwan sa Albay, Bicol. Ito ang kauna-unahang pagkakataon niyang humarap sa camera para mag-ulat, imbes na nasa likod lang nito.
Habang naghihintay ng tanong mula sa news anchors, Ed Lingao at Gretchen Ho, nagbasa muna si Ortiz mula sa kanyang phone. Napansin ni Lingao ang kaba nito at hinikayat siyang mag-ulat parang nag-uusap lang tungkol sa panahon habang umiinom ng beer.
“First time, first time,” bungad ni Ortiz na may ngiting kinakabahan. Dahil sa suporta ni Lingao, na-relax si Ortiz at maayos na naihatid ang ulat.
Parehong pinuri nina Ho at Lingao si Ortiz sa social media. Binanggit nila ang kakayahan nito sa pag-shoot, video edit, drone operation, at ngayon ay live reporting. Pinuri rin ng ibang reporter ang tapang ni Ortiz, lalo’t first time niya mag-live report at walang second take.
Si Ortiz ay naging inspirasyon sa kapwa niya media workers dahil ipinakita niyang kaya rin ng cameraman maging reporter sa oras ng pangangailangan.

