
Ang dating kongresista na si Zaldy Co ng Ako Bicol Party-list ay tumangging tanggapin ang utos ng Ombudsman na magsumite ng kanyang counter-affidavit kaugnay ng reklamong may kinalaman sa maanomalyang flood control project sa Oriental Mindoro.
Ayon kay Clavano mula sa tanggapan ng Ombudsman, naipadala ang dokumento sa huling alam na tirahan ni Co, ngunit tumanggi ang mga naroon na tanggapin ito. Dahil dito, itinuturing na siyang "in default" kung sakaling lumampas na ang itinakdang panahon para siya ay sumagot.
Kapag idineklara ang isang tao na default, ang piskal ay gagamit lamang ng mga dokumentong naisumite ng complainant bilang basehan sa magiging desisyon. Sa kaso ni Co, ito ay kaugnay ng reklamo ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) na inihain noong Setyembre 29.
Hiniling ng ICI sa Ombudsman na sampahan si Co at 17 iba pa ng kasong kriminal at administratibo, kabilang ang paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, malversation ng pondo, at falsification ng mga dokumento.
Si Zaldy Co, na tagapagtatag ng Sunwest Realty and Development Corporation, ay iniimbestigahan ngayon dahil sa umano’y maanomalyang flood control project na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱1.2 bilyon.
			
		    



