
Ang Lola Helen’s Pancit sa Marikina ay isa sa mga napiling kainan ng Michelin Guide ngayong taon. Sa gitna ng mga mamahaling restaurant, umangat ang simple ngunit masarap na panciteria na ito dahil sa lutong bahay at kalidad ng pagkain.
Ayon sa Michelin Guide, ang mga restaurant na may “Selected” status ay gumagamit ng de-kalidad na sangkap at may masarap na luto. Sa Lola Helen’s, sulit na sulit ang bawat kain—mula sa kanilang sikat na Bihon Con Litson na nagkakahalaga ng ₱240, hanggang sa iba pang ulam sa menu na abot-kaya mula ₱110 hanggang ₱595.
Ang may-ari na si Pacita De Guzman ay ibinahagi na nagsimula ang panciteria 20 taon na ang nakalipas. “Marami nang nakatikim sa pancit namin. Ang lasa raw talaga ang binabalik-balikan,” aniya. Hindi rin makapaniwala ang pamilya nang malamang napasama sila sa Michelin Guide—isang karangalang labis nilang ipinagmamalaki.

