The Divorce Bill ay muling inihain ni Sen. Risa Hontiveros sa Senado sa ilalim ng Senate Bill 394 o “Dissolution of Marriage Act.” Layunin nitong magbigay ng legal na paraan para tapusin ang kasal kapag hindi na magkasundo ang mag-asawa at upang mailigtas ang mga bata sa stress, sakit, at hirap na dulot ng tuloy-tuloy na pagtatalo ng mga magulang.
Ayon kay Hontiveros, realidad na sa bansa ang maraming unhappy, failed, o abusive marriages mula sa iba’t ibang antas ng lipunan. Batay sa datos, madalas na mga kababaihan ang biktima ng pang-aabuso at karahasan. Kadalasan, asawa mismo ang may gawa ng pisikal at seksuwal na karahasan laban sa kanila.
Ipinakita ng tala mula sa Philippine National Police (PNP) na tumaas ang kaso ng Violence Against Women (VAW) mula 2004 hanggang 2012. Dahil dito, maraming kababaihan ang nananawagan na magkaroon ng absolute divorce para tuluyan nang matigil ang pang-aabuso at maibalik ang kanilang kalayaan.
Kapag naging batas ito, ang absolute divorce ay dadaan sa legal na proseso kung saan maaaring magsumite ng petisyon ang isa o parehong mag-asawa. Kapag naaprubahan, ibabalik ang kanilang single status. Sisiguruhin din na ang proseso ay mura, mabilis, at abot-kaya, lalo na para sa mahihirap.