
Ang isang 27-anyos na sales lady ay nasawi matapos holdapin at pagsasaksakin sa loob ng gadget shop sa Bgy. Mamatid, Cabuyao, Laguna nitong Lunes. Ayon sa pulisya, sinabayan ng suspek ang pagpasok ng biktima sa tindahan.
Bahagyang sarado ang roll-up door ng shop kaya hindi agad napansin ng mga dumadaan ang insidente. Pinaniniwalaang doon mismo naganap ang pananaksak. Bago mawalan ng malay, nagawa pa ng biktima na tawagan ang kanilang manager para humingi ng tulong.
May sugat ang biktima sa leeg, balikat, at tiyan. Tinangay ng suspek ang 26 na cellphones na nagkakahalaga ng ₱71,200 at cash na ₱21,747.
Isang linggo pa lang nabubuksan ang shop kaya wala pang CCTV. Mayroon nang person of interest na tinutugis ang mga awtoridad. Natagpuan ang kanyang getaway vehicle sa bahay ng kapatid ngunit wala ang lalaki.
Sa kuha ng CCTV sa ibang lugar, makikita ang suspek na may dalang sako na isinakay sa sidecar ng kanyang motorsiklo. Kapag napatunayan ang kanyang pagkakasangkot, mahaharap siya sa kasong robbery with homicide.