Ang Philippine Coast Guard (PCG) ay pumalag sa mga alegasyon na itinanim o planted ang mga sako na nakuha sa ilalim ng Taal Lake. Ayon kay Commodore Geronimo Tuvilla, buhay ang kapalit sa bawat sisid ng kanilang mga diver kaya hindi tama na dudaang peke ang kanilang nadiskubre.
Paliwanag ni PCG Spokesperson Captain Noemie Cayabyab, legal at bahagi ng imbestigasyon ang ginagawa nilang diving operations. Layunin nito ang malaman ang katotohanan at mabigyan ng hustisya ang mga nawawalang sabungero.
Ayon sa PCG, ang ilan sa mga sakong nakuha ay may lamang mga buto at bato. Tila nilagyan ito ng bato para hindi lumutang, ayon kay Tuvilla. Ang mga bato rin ang dahilan kung bakit napunit ang ilang bahagi ng sako.
Sinabi rin ng PCG na mahirap ang operasyon dahil sa malabong tubig, maputik na paligid, at delikadong kondisyon sa ilalim ng lawa. May dala silang flashlight para mas maliwanag ang paligid habang sila’y sumisisid.
Sa kabila ng mga pagsubok, tuloy pa rin ang paghahanap. Ayon sa PCG, magpapatuloy ang operasyon hangga’t may nari-retrieve silang ebidensya. Nakadepende rin ito sa panahon, agos, at alert level ng Taal Volcano.