
Apektado ang 32 barangays sa Camalig at Guinobatan, Albay dahil sa patuloy na ashfall mula sa Mayon Volcano, ayon sa Philvolcs nitong Martes.
Ayon kay Dr. Paul Alanis, Supervising Science Research Specialist ng DOST Phivolcs Mayon Observatory, ang pinanggagalingan ng pyroclastic density current ay mula sa lava flow na nakatapat sa Camalig at Guinobatan. Idinagdag niya na dahil sa direksyon ng hangin mula sa northeast o amihan, napunta ang abo sa nasabing mga barangay.
Naitala rin ang humigit-kumulang 469 rockfall events nitong Pebrero. “May na-detect kaming pagtaas ng levels ng sulfur dioxide o asupre mula sa bulkan. Indikasyon ito ng panibagong magma sa ilalim ng volcano kaya bahagyang dumami ang rockfall,” paliwanag ni Alanis.
Bagama’t may posibilidad na itaas ang alert level ng Mayon sa level 4 kung magpapatuloy ang aktibidad, nilinaw ni Alanis na wala pang indikasyon ng ganitong escalation sa ngayon. Patuloy ang monitoring ng Philvolcs sa kondisyon ng bulkan.
Pinapayuhan niya ang mga local government units na maging alerto sa posibleng evacuation at mahigpit na ipatupad ang pagbabawal sa mga residente na pumasok sa six-kilometer permanent danger zone upang maiwasan ang anumang aksidente.


