
The Philippine National Police (PNP) ay nakapagtala ng mahigit 1,100 na naaresto sa buong bansa sa pagdiriwang ng Undas 2025. Mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2, nagsagawa ang pulisya ng 1,391 operasyon kung saan 1,163 katao ang naaresto, kabilang ang 517 pugante.
Sa kabuuan, may 307 operasyon laban sa ilegal na droga, 223 laban sa sugal, at 199 laban sa loose firearms. Umabot naman sa 92,894 pulis ang ipinakalat sa iba’t ibang lugar upang tiyaking ligtas at mapayapa ang paggunita ng Undas.
Nasamsam din ng mga awtoridad ang 478 patalim, 65 bote ng alak, mga baraha, at iba pang bawal na gamit sa sementeryo at checkpoint. Bukod dito, tumugon din ang PNP sa mga ulat ng aksidente sa kalsada, sunog, at ilegal na armas.
Samantala, higit ₱21,000 pasahero ang bumiyahe sa mga pantalan sa buong bansa habang libo-libong Pilipino ang bumalik sa Maynila matapos ang mahabang weekend.
Nagpadala ang Philippine Coast Guard ng 5,243 tauhan mula sa 16 distrito para tumulong sa mga biyahero at tiyaking ligtas ang paglalayag. Sinuri rin ang 157 barko at 26 bangkang motor upang matiyak na maayos ang kanilang kondisyon bago bumiyahe.
			
		    



