
The best-selling female artist na si Madonna ay inanunsyo na maglalabas siya ng bagong dance music album sa 2026. Sa edad na 67, mananatili siyang aktibo sa industriya at patuloy na gumagawa ng ingay sa musika.
Matapos ang mahigit isang dekada, bumalik si Madonna sa kanyang dating record label kung saan nagsimula ang kanyang mga hit song tulad ng Like a Virgin at Holiday. Ayon sa kanya, masaya siyang makabalik at muling gumawa ng musika na may kakaibang estilo at ideya.
Ito ang magiging unang studio album niya sa loob ng pitong taon. Ang bagong proyekto ay ipo-produce ni Stuart Price, na dati ring nakatrabaho niya sa matagumpay na Confessions on a Dance Floor noong 2005.
Sa pahayag ng kumpanya, sinabi nilang malaking karangalan na muling makabalik si Madonna dahil hindi lang siya isang singer—isa siyang cultural icon at rule-breaker na may malaking impluwensya sa musika at kultura.
Nasa higit ₱23 bilyon ang kabuuang benta ng kanyang mga record sa buong mundo, at kabilang na rin siya sa Rock & Roll Hall of Fame mula pa noong 2008.