
Ang dating pangulo Rodrigo Duterte ay natuwa matapos dumalaw sa kanya ang kanyang apat na anak — Bise Presidente Sara Duterte, Kinatawan Paolo Duterte, Acting Mayor Sebastian Duterte, at bunsong anak na si Veronica sa The Hague, Netherlands. Ang pagbisita ay ginawa bago ang nakatakdang confirmation of charges hearing ng ICC sa Setyembre 23.
Ayon kay Bise Presidente Sara, masaya ang kanilang ama na nakausap sila. “Medyo maingay kasi sabay-sabay kaming nagkukuwento,” sabi niya. Nagpasalamat din siya sa ICC dahil pinayagan silang makadalaw.
Sa kanilang usapan, napagkwentuhan nila ang tungkol sa pamilya at pulitika. Wala pang malinaw na plano para sa hinaharap pero tinalakay nila ang mga maaaring mangyari ngayong taon, sa susunod, at sa loob ng tatlong taon.
Dagdag pa ng Bise Presidente, magsasagawa ng pagtitipon ang mga tagasuporta ng dating pangulo mula Setyembre 19 hanggang 24, kasabay ng kanyang hearing. Maging ang Filipino community sa Japan ay magkakaroon din ng pagtitipon sa Setyembre 21 at 22 bilang suporta.
Samantala, tumanggi si Sara Duterte na magbigay ng komento tungkol sa plano ng abogado ng kanyang ama na makipagpulong kay Pangulong Marcos upang talakayin ang posibleng paglaya ni Duterte at pagbabalik sa Davao City.