
The Pop Mart ay nakaranas ng napakalaking pagtaas ng kita ngayong taon. Sa unang kalahati pa lang ng taon, halos 400% ang itinaas ng kanilang kita, at malaking bahagi nito ay galing sa Labubu collectible toy na sobrang in demand ngayon.
Ayon kay CEO Wang Ning, kumpiyansa silang maaabot ang target na ₱236 bilyon (30 bilyong yuan o $4.18B) na kita ngayong 2025. Idinagdag pa niya na malaki pa ang potensyal ng kumpanya lalo na sa overseas market, kung saan patuloy na lumalawak ang koleksyon ng kanilang mga customer.
Ang sikreto ng tagumpay ng Pop Mart ay ang tinatawag na “blind box model”. Dito, bumibili ang mga customer ng kahon na may lamang collectible toy ngunit hindi nila alam kung anong karakter ang makukuha. Ang excitement at pagiging unique ng ganitong sistema ay naging malaking dahilan kung bakit pumatok ito sa buong mundo.
Labubu, isang cute at kakaibang goblin-like figurine, ang naging sentro ng hype. Dahil sa kasikatan nito, naging viral ang Pop Mart at mabilis na tumaas ang kanilang kita. Ang matagumpay na brand-building sa isang produkto ay nagpakita kung gaano kalaki ang epekto ng collectibles sa merkado ngayon.
Sa tuloy-tuloy na pagtaas ng demand, malinaw na nasa tamang direksyon ang Pop Mart. At kung magpapatuloy ang kasikatan ng kanilang mga produkto, lalo na si Labubu, tiyak na malalampasan nila ang kanilang target na kita ngayong taon.