
Ang Civil Defense ng Gaza ay nagsabing 68 katao ang namatay noong Martes dahil sa airstrike at pamamaril ng Israeli forces. Ayon sa tagapagsalita na si Mahmud Bassal, 56 sa kanila ang namatay habang naghihintay ng ayuda sa iba’t ibang lugar sa Gaza Strip.
Sa Khan Yunis, humigit-kumulang 30 katao ang nabaril habang nakapila para sa ayuda. Sinabi ng Israeli army na nagpaputok lamang sila ng “warning shots” sa mga taong papalapit, ngunit hindi nila alam kung may nasawi.
Malapit sa Zikim border crossing, kung saan dumadaan ang ilang truck ng relief goods, 20 katao ang patay at mahigit 100 ang sugatan. Ilang bangkay ang dinala sa Hamad Hospital, ayon sa mga saksi. Samantala, 6 na tao ang napatay at 21 ang sugatan sa gitnang bahagi ng Gaza habang naghihintay din ng pagkain. Itinanggi ng Israel na nagpaputok sila sa lugar na iyon.
Sa Al-Mawasi, isang lugar na tinaguriang “safe zone,” 5 katao ang napatay sa airstrike. Ayon sa isang residente, “Sabi nila ligtas dito at ligtas kumuha ng ayuda, pero namamatay ang mga tao habang naghihintay ng tulong.” Mayroon ding iniulat na anim na namatay sa Gaza City at isa pa malapit sa Khan Yunis.
Mahigit 22 buwan na ang giyera, at patuloy ang kakulangan ng pagkain, gamot, at gasolina dahil sa mahigpit na limitasyon ng Israel sa pagpasok ng suplay. Dahil dito, libu-libong Gazans ang pumipila araw-araw para sa ayuda, sa kabila ng panganib sa kanilang buhay.