
Ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ay nagpaalala sa mga biyahero na maagang bumili ng bus ticket bago mag-October 30. Ayon kay PITX Senior Corporate Affairs Officer Kolyn Calbasa, karamihan sa mga biyahe ay halos fully booked na habang libo-libong pasahero ang papalabas ng Metro Manila para sa Undas 2025.
Tinatayang 180,000 katao bawat araw ang dadaan sa terminal mula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 5. Pinayuhan din ni Calbasa ang publiko na bumili lamang ng ticket sa mga opisyal na booth o online upang maiwasan ang scam. Dagdag pa niya, mas mainam na mag-travel light para hindi mahirapan sa security checks, lalo na sa mga may dalang malaking bagahe.
Inaasahan naman na magsisimula ang pagbabalik ng mga pasahero sa Nobyembre 3 hanggang Nobyembre 5. Noong nakaraang taon, umabot sa mahigit 2 milyon ang bilang ng mga pasaherong dumaan sa PITX sa panahon ng Undas.
Samantala, ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ay naka-heightened alert na rin sa mga paliparan sa buong bansa. Pinayuhan ng CAAP ang mga biyahero na dumating dalawang oras bago ang flight at iwasan ang mga ipinagbabawal na gamit. Mahigpit ding paalala na bawal ang bomb joke dahil maaari itong magdulot ng malaking abala at multa na umaabot sa ₱50,000 o higit pa.
Habang papalapit ang Undas, nananatiling alerto ang mga awtoridad upang masiguro ang ligtas at maayos na biyahe ng lahat ng Pilipino pauwi sa kanilang mga probinsya.




