
Ang POGOs o Philippine Offshore Gaming Operators ay opisyal nang ipinagbawal sa Pilipinas matapos pirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act 12312. Ipinagbabawal ng batas ang anumang operasyon, pagtanggap ng taya, at pagtatayo ng POGO hubs sa bansa.
Kasama sa mga ipinagbabawal na gawain ang pagtulong o pagsuporta sa POGO operations. Lahat ng lisensya ng mga umiiral na POGO hubs, pati sa special economic zones, ay tinanggal na rin. Hindi na rin puwedeng mag-isyu ng lisensya ang Philippine Amusement and Gaming Corp. o special work permit para sa mga POGO workers.
Department of Labor and Employment ang bahala sa paglipat ng trabaho para sa mga Pilipinong apektado ng POGO ban. Puwedeng makulong ng hanggang walong taon at magbayad ng P15 milyon ang lalabag sa batas sa unang pagkakataon. Sa pangalawa at pangatlong paglabag, puwede itong umabot ng hanggang 12 taon sa kulungan at P50 milyon na multa.
Senadora Risa Hontiveros, na nanguna sa imbestigasyon sa POGOs, nagpasalamat sa mga biktima na nagbahagi ng kanilang karanasan. Ayon sa kanya, maraming Pilipino ang nasaktan mula sa human trafficking hanggang sa scam operations na konektado sa POGOs.
POGOs ay lumaganap noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, at kadalasang niraraid ng awtoridad ang mga ilegal na operasyon. Binigyang-diin ni Marcos ang pagbabawal sa pamamagitan ng executive order, na ngayon ay pinagtibay pa ng bagong batas.




