
Ang Pinoy world champion na si Melvin Jerusalem ay puspos ng kumpiyansa bago ang kanyang title defense laban sa South African boxer na si Siyakholwa Kuse sa “Thrilla in Manila 2.” Gaganapin ito ngayong Oktubre 28, 2025, sa Quezon City bilang pagdiriwang ng 50th anniversary ng laban nina Muhammad Ali at Joe Frazier.
Sa weigh-in, sinabi ng 30-anyos na si Jerusalem na siya ay “100% ready” at tiwalang mapapanatili niya ang WBC minimumweight title. “Malaking karangalan po ito kasi bahagi ito ng kasaysayan. Walang pressure, mas excited ako dahil maraming manonood,” sabi niya.
Ayon kay Jerusalem, todo ang kanyang paghahanda at itinuturing niyang parang nanalo siya sa lotto dahil ito ang isa sa pinakamalaking laban ng kanyang karera. “Handang-handa kami, at ang mga Pilipino ay sabik na ring manood. Bukas ipapakita namin kung gaano kami kahanda,” dagdag niya.
Nagpasalamat din si Jerusalem sa mga tumulong sa event, lalo na kay Manny Pacquiao at sa lahat ng sumusuportang Pilipino. “Maraming salamat po sa tiwala at suporta ninyo,” ani niya.
Tampok din sa undercard ang ilang kilalang Pinoy boxers tulad nina Carl Jammes Martin, Eumir Marcial, Arvin Magramo, Ronerick Ballesteros, at Albert Francisco, na sabay-sabay magpapakita ng galing ng Pilipinong boksingero sa entablado ng Big Dome.




