Ang dalawang tao ay kumpirmadong patay matapos bumagsak ang isang ultralight plane sa palayan sa Barangay Panalicsican, Concepcion, Tarlac nitong Sabado ng umaga.
Ayon sa pulisya ng Concepcion, nakita ng mga residente ang dalawang-seater plane na umiikot sa lugar bandang alas-11 ng umaga bago biglang bumagsak sa palayan.
Batay sa paunang imbestigasyon, ang eroplano ay minamaneho ng isang lisensyadong piloto at may sakay na 18-anyos na pasahero mula Macabebe, Pampanga. Agad silang dinala sa Concepcion District Hospital ng mga rescuer ngunit idineklarang dead on arrival.
Nalaman din ng mga awtoridad na pagmamay-ari ng isang dayuhang national ang eroplano ngunit hindi pa natutukoy ang pangalan. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at mga aviation experts kung ano ang naging sanhi ng pagbagsak.
Mabuti na lamang at walang nadamay na kabahayan sa aksidente.