Ang mag-asawa at kanilang 13-anyos na anak ay nasawi sa isang malagim na sunog na tumupok sa kanilang bahay sa Mega Heights Subdivision, Barangay Gusa, Cagayan de Oro City, bago mag-hatinggabi noong Lunes, Oktubre 20.
Kinilala ang mga nasawi na sina Sisinio Talara, ang kanyang asawang Annie Rose Talara na 40 taong gulang, at ang kanilang anak na Mary Rose, 13-anyos. Ayon sa ulat, hindi na nakalabas ang pamilya matapos silang ma-trap sa loob ng kanilang tahanan habang mabilis na lumalaki ang apoy.
Agad rumesponde ang mga bumbero at pulis mula sa iba’t ibang istasyon sa lungsod upang pigilan ang pagkalat ng apoy sa mga kalapit na bahay. Matagumpay nilang napigilan ang sunog bago ito makasira pa ng ibang ari-arian.
Patuloy ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) upang matukoy ang tunay na sanhi ng sunog.
Ayon sa mga lokal na opisyal, tutulungan ng pamahalaang lungsod ang pamilya sa gastusin sa libing ng mga biktima, na tinatayang aabot sa ₱100,000 ang tulong pinansyal.