
Ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) ay nag-freeze ng humigit-kumulang ₱5.2 bilyong halaga ng ari-arian na konektado sa mga opisyal at contractor ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa flood control corruption scandal.
Ayon kay AMLC Executive Director Matthew David, anim na freeze orders mula sa Court of Appeals ang naipatupad, at inaasahang madaragdagan pa habang patuloy ang valuation ng mga property at bank account. Mahigit 2,000 bank accounts na ang naapektuhan ng imbestigasyon.
Hindi pa ibinubunyag ni David ang mga pangalan ng opisyal at contractor, ngunit kumpirmado na kabilang dito ang ilang DPWH employees, contractors, at kanilang kasabwat. Kasalukuyang nagsasagawa ng bank inquiry upang matukoy kung may malalaking halagang winithdraw.
Kasama sa imbestigasyon ang mga deposito, withdrawal, at mga property acquisition mula nang ipahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagsisiyasat sa flood control projects. Pinag-aaralan din ng AMLC ang posibilidad ng money laundering, bribery, at plunder.
Nakikipag-ugnayan ngayon ang AMLC sa NBI at DOJ para masamsam ang mga perang tinago sa bahay at iba pang lugar. Aabot sa ₱500 milyon halaga ng sasakyan ng mga sangkot ang nauna nang sinubukang ipafreeze ng DPWH noong Setyembre, habang hinahanap pa ang mga assets sa ibang bansa.