
Ang PNP ay nakasabat ng mahigit P43 milyon halaga ng marijuana at cannabis products sa isang buy-bust sa Taytay, Rizal nitong Miyerkules ng madaling araw. Naaresto ang isang 31-anyos na lalaki, isang kilalang distributor ng high-grade marijuana.
Nakuha sa operasyon ang humigit-kumulang 25 kilo ng high-grade kush, 23 kilo ng tuyong marijuana leaves, 1,600 cartridges ng suspected liquid marijuana, at 200 piraso ng suspected marijuana-infused vape juice. Ang kabuuang halaga ng nakumpiskang gamit ay tinatayang ₱43,860,000.
Ayon kay Acting PNP Chief Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., “Ito ay babala sa lahat ng sangkot sa illegal drug trade—walang ligtas at hindi makakatakas sa batas. Mabilis ang aksyon ng PNP para protektahan ang bansa at kabataan.”
Kasama rin sa nakumpiskang gamit ang marked money, weighing scales, at pekeng ID. Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa Taytay Municipal Police Station Custodial Facility.
Patuloy na pinaiigting ng PNP ang kampanya laban sa ilegal na droga upang tiyakin ang kaligtasan ng komunidad at kabataan.




