Ang Isuzu Philippines Corporation (IPC) kasama ang dealer partner nito sa Cebu ay naghatid ng relief goods at malinis na tubig para sa 200 pamilya sa Barangay Poblacion, San Remigio, isa sa mga lugar na matinding naapektuhan ng lindol.
Umabot sa 6.9 magnitude ang lindol noong Setyembre 30, 2025, na nakaapekto sa mahigit 170,000 katao at kumitil ng higit 70 buhay, ayon sa ulat ng mga awtoridad. Dahil dito, idineklara ang San Remigio sa ilalim ng state of calamity.
Pinangunahan nina Mario Ojales, IPC Department Head of Dealer Sales, at Eufemio Ybanez, Isuzu Mandaue Branch Head, ang pagbibigay ng tulong. Ang mga Isuzu Mobile Medic trucks na karaniwang ginagamit para sa vehicle assistance ay ginamit para maghatid ng relief supplies — patunay ng malasakit at inobasyon ng kumpanya.
Ayon kay Ojales, “Sa Isuzu, ang pagiging Responsible Partner ay nangangahulugang pagtulong sa komunidad lalo na sa panahon ng sakuna.” Dagdag pa ni Ybanez, “Nakakatuwang makita ang bayanihan at naging proud kami na makapagbigay ng suporta sa ating mga kababayan.”
Mainit namang tinanggap ng Barangay Captain Rey Tamboboy at mga lokal na opisyal ang grupo at tumulong sa pamamahagi ng tulong. Nagpasalamat ang kapitan at sinabing malaking pag-asa at ginhawa ang dala ng suporta mula sa Isuzu Philippines.