
Ang hamon ni Rep. Edgar Erice — Sa isang mainit na talumpati, hinimok ni Caloocan Rep. Edgar Erice sina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at Bise Presidente Sara Duterte na patunayan ang laban nila sa korapsyon sa pamamagitan ng pagsuporta sa Anti-Dynasty Bill. Ayon kay Erice, hindi sapat ang galit o emosyon — kailangan ng tunay na reporma kahit laban ito sa interes ng sariling pamilya.
Diretsong sinabi ni Erice na ang magiging pinakamalaking legacy ni Marcos ay kung kaya niyang isantabi ang personal na interes ng kanilang pamilya. Aniya, “Sincere ang galit at luha mo, pero hindi ito sapat. Isama sa legislative agenda ang Anti-Dynasty Bill.”
Sa panig ni VP Sara Duterte, tinanong ni Erice kung ang kanilang laban ay para ba talaga sa bansa o para lamang sa political supremacy ng pamilya. Dagdag pa niya, kung pinrotektahan ng Konstitusyon si Duterte laban sa impeachment, dapat ding suklian ito sa pamamagitan ng pagbawas ng kapangyarihan ng kanilang pamilya sa politika.
Hinimok din ni Erice ang mga kasamahan sa Kongreso na magsakripisyo at bawasan ang kapangyarihan ng kanilang mga pamilya sa politika. Aniya, “Kung tunay ang pagmamahal sa bayan, panahon na para bawasan ang kasapwangan at kapangyarihan. Lugmok na ang bayan.”
Sa kasalukuyan, pito nang Anti-Dynasty Bills ang naihain sa 20th Congress, karamihan mula sa minority lawmakers. Ang panukala ni Erice ay naglalayong limitahan sa dalawa lamang ang miyembro ng isang pamilya na sabay na maaaring humawak ng puwesto sa gobyerno.