Ang Commission on Elections (Comelec) ay naglabas ng show cause order laban kay Sen. Francis “Chiz” Escudero para ipaliwanag ang ₱30 milyon donasyon na natanggap niya mula sa kontratistang si Lawrence Lubiano noong kampanya sa 2022. Pinapaharap siya sa hearing sa Oktubre 13 ng Political Finance and Affairs Department.
Ayon kay Comelec Chair George Garcia, nakadepende ang magiging desisyon kung ito ba ay personal na tulong o corporate donation, dahil bawal sa batas ang kontribusyon mula sa mga kontratista ng gobyerno. Sinabi rin ni Escudero na bukas siya sa imbestigasyon at iginiit na walang nilabag na batas.
Lumabas ang usapin matapos aminin ni Lubiano sa pagdinig sa Kongreso na nagbigay siya ng donasyon kay Escudero. Inihain din ng isang pribadong abogado ang reklamo laban sa senador sa Senate ethics committee, na naging dahilan para bumaba siya bilang Senate president. Kasabay nito, iniimbestigahan din ng Comelec ang 55 kontratista na nagbigay ng pondo sa iba pang kandidato noong halalan.