Ang Senador Jinggoy Estrada ay nagsampa ng perjury complaints laban kay dating DPWH engineer Brice Hernandez. Ayon kay Estrada, nagsinungaling si Hernandez sa mga pahayag niya tungkol sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Apat na kaso ang isinampa ni Estrada sa Quezon City Prosecutor’s Office ngayong Oktubre 7. Sinabi pa niya na makikita raw na “habitual liar” si Hernandez.
Isa sa mga reklamo ay ang sinabi ni Hernandez na nakatanggap umano si Estrada ng 30% kickback mula sa proyekto. Kung ang flood control projects ay nagkakahalaga ng ₱355 milyon, lumalabas na mahigit ₱106.5 milyon ang sinasabing napunta kay Estrada.
Kasama rin sa reklamo ang maling pahayag tungkol kay Beng Ramos na diumano’y staff ng senador, paggamit ng pekeng ID sa mga casino, at ang pagtanggi ni Hernandez na sangkot siya sa proyekto.
Ang reklamo ay nakasaad sa Article 183 ng Revised Penal Code, na nagsasabing may kaparusahan ang sinumang magbibigay ng maling pahayag sa ilalim ng panunumpa.