
Ang carnival ride sa Brgy. South Poblacion, Jose Panganiban, Camarines Norte ay nadiskaril noong Sabado, dahilan para masugatan ang 6 na pasahero kabilang ang isang 2-taong gulang na bata. Apat sa kanila ay nagtamo ng minor injuries.
Ayon sa cellphone video ng isang nakasaksi, kita ang pag-panic ng mga tao habang umaandar ang “Apollo Moon Rocket” wagon ride. Laking pasalamat ng isang nanay dahil hindi nadamay ang kanyang pamilya.
Paliwanag ng carnival manager na si Dave Loyola, natapos na halos ang biyahe ng ride at bumagal na ito nang biglang magkaroon ng aberya. Aniya, may damit na kumapit sa riles kaya naputol ang turnilyo at tuluyang nadiskaril ang bagon.
Sinabi ni Police Major Norwen Abelida na ligtas na ang mga biktima at kasalukuyang nagpapagamot. Nagpakita ng kahandaan ang may-ari ng karnabal na sagutin ang gastusin at tumulong sa mga nasugatan. Nagbigay na rin ng tulong pinansyal ang lokal na pamahalaan.
Tiniyak ng pulisya at pamunuan ng karnabal na mas paiigtingin ang inspeksyon at safety measures bago buksan muli ang rides sa publiko.