Ang MC Taxi Law ay 6 taon nang hinihintay pero hanggang ngayon hindi pa rin naipapasa. Simula nang inilunsad ang Pilot Study, nananatili sa alanganin ang halos 70,000 riders na umaasa rito para sa kanilang kabuhayan. Kung tatapusin ng gobyerno ang programa, libo-libong pamilya ang mawawalan ng kita.
Ayon kay Romeo Maglunsod, Chairman ng Motorcycle Community Philippines, sa apat na congressional sessions ay hindi pa rin nailalagay sa batas ang MC Taxi. Habang tumatagal, dumadami raw ang mga dating lehitimong rider na napipilitang mag-habal-habal, dala ng kawalan ng malinaw na regulasyon.
Dagdag pa niya, ang orihinal na hiling nila sa mga mambabatas ay simple lamang—ang alisin ang illegal na operasyon. Ngunit dahil wala pa ring permanenteng batas, halos buong sektor ng MC Taxi ay nagiging “illegal.” Dahil dito, bumababa rin ang pagsunod sa tamang proseso.
Binibigyang-diin ng grupo na ang pangunahing layunin ay kaligtasan ng riders at pasahero. Kaya naman panawagan nila ang agarang pagpasa ng MC Taxi Law upang masigurado ang proteksyon ng lahat.
Noong Hulyo 2024, nakapasa na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kongreso ang House Bill No. 10424 o ang Motorcycles-for-Hire Bill. Subalit kailangan pa rin itong ganap na maisabatas bago tuluyang magkaroon ng katiyakan ang libo-libong MC Taxi riders.