Ang dalawang nagpakilalang empleyado ng Immigration ay nahuli ng Quezon City Police matapos ireklamo ng isang Koreano sa pangingikil.
Isinagawa ng entrapment operation sa Camp Karingal noong Biyernes ng gabi. Lumabas sa imbestigasyon na noong Hunyo 18, nagbayad ang biktima ng ₱166,800 kapalit ng renewal ng kanyang working visa at Alien Certificate of Registration (ACR).
Kalaunan, humiling ang Koreano na ibalik na lang ang kanyang mga dokumento. Ngunit pinagbantaan umano siya ng mga suspek na isusuplong ang pamilya niya sa Immigration kung hindi siya magbibigay ng karagdagang ₱70,000.
Ayon kay QCPD acting district director PCol. Randy Glenn Silvio, naging posible ang mabilis na aksyon dahil nagsumbong ang biktima, dahilan para matigil ang illegal na gawain ng mga suspek.
Nakumpiska sa kanila ang boodle money, apat na ACR cards, mga passport ng Korea, Alien Employment Permit, mga official receipts, Certificates of Family Relations, isang company profile, ₱3,000, at isang sasakyan. Ang mga suspek ay nakakulong na at haharap sa kasong robbery-extortion at usurpation of authority.