
Ang sunog sa isang tatlong palapag na residential-commercial building sa Barangay Pio Del Pilar, Makati City nitong Sabado ng gabi ay nag-iwan ng anim na sugatan. Ilan sa mga residente ay napilitang tumalon mula sa rooftop para makaligtas sa apoy.
Isa sa sugatan ay si JR Balano, may-ari ng apartment sa ikatlong palapag. Ayon sa kanya, nagising sila sa sigaw na may sunog at nang bumaba sa ikalawang palapag, natrap sila sa apoy kaya umakyat sa rooftop at doon tumalon para makaligtas.
Nadamay din ang unit ni Ivy Mendoza, na agad na inuna ang kanyang isang taong gulang na pamangkin. Kwento niya, nag-panic siya ngunit agad na binuhat ang bata palabas upang mailigtas.
Ayon kay Fire Inspector Rodolfo Aguilar, nasa 30 fire trucks ang rumesponde. Nahirapan ang mga bumbero dahil naka-padlock ang hardware store sa unang palapag kaya kinailangan nilang sirain ang pinto para makapasok.
Tinatayang nasa ₱2 milyon ang halaga ng pinsala at 40 pamilya ang apektado. Pansamantalang nanunuluyan ang mga naapektuhan sa isang kalapit na paaralan habang iniimbestigahan pa ang sanhi ng sunog.