
Ang tatlong dalagita na edad 13 at 14 ay nasagip ng pulisya sa Maynila matapos silang irecruit ng isang 35-anyos na lalaki sa pekeng gang. Pinapipili umano sila ng suspek kung “hirap” o “sarap” bilang bahagi ng initiation.
Unang nabiktima ang dalawang bata na pinagsamantalahan at isa pa sa kanila ay navideohan habang minamarkahan ng sigarilyo ang kamay. Dahil dito, nagsumbong ang mga biktima at nagsagawa ng entrapment operation ang pulisya.
Ayon sa imbestigasyon, ginagamit ng suspek ang social media para magrecruit ng mga kabataan na naghahanap ng grupo. Nagbabanta siya na masasaktan ang sinumang pipili ng “hirap.” Lumabas din na hindi totoong miyembro ng gang ang lalaki at ginagamit lang ito para makapanloko.
Nang mahuli, nakunan sa CCTV ang suspek na nadulas habang tumatakas sa isang hotel. Sa tulong ng mga pulis, naabutan siya sa Macaraig Street kasama ang isang 42-anyos na kasabwat na nagdadala ng mga biktima sa hotel.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong Anti-Trafficking in Person, Cybercrime Prevention Act of 2012, Anti-Hazing Act, at Grave Coercion. Ang mga biktima ay isinailalim na sa counseling. Paalala ng pulisya sa mga magulang: bantayan ang mga anak lalo na sa kanilang social media.