Ang Netflix ay naglabas ng trailer para sa documentary na My Father The BTK Killer na idinirek ni Skye Borgman. Ang palabas ay ibinase sa aklat na A Serial Killer’s Daughter: My Story of Faith, Love and Overcoming na isinulat ni Kerri Rawson, anak ng kilalang serial killer na si Dennis Rader o mas kilala bilang BTK (Bind, Torture, Kill).
Tampok sa documentary ang kwento ng pamilya ni Rader at kung paano naapektuhan ang kanilang buhay at komunidad. Para kay Rawson, malaking hamon ang pagtanggap na posibleng may mas maraming biktima ang kanyang ama kaysa sa inaamin nito, pati na rin ang pagtuklas ng mga nakatagong trauma mula sa kanyang pagkabata.
Kasama rito ang interview ng mga imbestigador, lumang larawan at sketches, at interrogation footage mismo ni Rader. Sa bawat bahagi, ibinahagi ni Rawson ang kanyang personal na pagninilay tungkol sa relasyon nila ng kanyang ama bago at matapos ang kanyang pagkakaaresto noong Pebrero 2005.
Si Rader ay umamin sa 10 malulupit na pagpatay sa Wichita, Kansas mula 1974 hanggang 1991. Nagpapadala siya ng mga misteryosong mensahe sa media tungkol sa krimen. Tumigil siya noong ’90s ngunit muling nagpakita sa publiko noong early 2000s, at dahil sa isang floppy disk, natunton siya ng mga pulis at tuluyang naaresto.
Mapapanood ang My Father The BTK Killer simula Oktubre 10 sa Netflix.