Ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ay nagbabala sa mga online platforms na maaari silang ma-block sa Pilipinas kung hindi agad tatanggalin ang illegal content tulad ng fake news, online scam, pekeng produkto, illegal gambling, at child pornography.
Ayon kay DICT Secretary Henry Aguda, maraming reklamo mula sa publiko ang natatanggap tungkol sa mga produktong binebenta online na pekeng brand o walang FDA permit. May mga ulat din ng posts na dapat tanggalin pero natatagalan bago aksyunan ng mga social media companies.
Nanawagan si Aguda na mas maging mabilis ang pagtugon ng mga platforms at magkaroon ng self-regulation para agad na mawala ang mga posts na may fake items at posibleng scam. Giit pa niya, hindi sila laban sa social media o online selling, pero kailangang bawasan ang masamang epekto nito.
Dagdag pa ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center, patuloy silang magbabantay at posibleng i-ban o i-block ang mga site na hindi susunod. Gayunpaman, nilinaw ni Aguda na malayo pa sila sa total shutdown dahil mas marami pa ring legit na sellers at tamang users ang gumagamit ng platforms.
Hinimok din ng DICT na magtayo ng opisina sa Pilipinas ang mga online platforms para mas mabilis ang aksyon sa reklamo. Kung may mga Pilipinong content moderators, mas maiintindihan nila ang wika at kultura ng bansa.