Ang isang school principal na napaulat na nawawala ay natagpuang patay sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong Lunes.
Kinilala ang biktima na si Abusadid Landasan, principal ng Madrasatul Alnor Al-Islamie sa Barangay Lawili, Aleosan, Cotabato. Natagpuan ang kanyang bangkay sa gilid ng kalsada sa Barangay Taviran.
May tama ng bala sa dibdib ang biktima at nakagapos ang kamay at paa gamit ang lubid. Ayon kay Lt. Col. Esmael Madin, hepe ng pulisya sa Datu Odin Sinsuat, posibleng dinukot at pinatay ang biktima sa ibang lugar bago iniwan doon.
Huling nakita ng mga kamag-anak si Landasan na nagmaneho ng motorsiklo sa Barangay New Panay, Aleosan bago siya nawala.
Agad siyang inilibing ng pamilya alinsunod sa tradisyong Islam na ang mga namatay ay dapat mailibing sa loob ng 24 oras.