
Ang dating DPWH Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez ay inilipat sa Pasay City Jail nitong Miyerkules ng gabi mula sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.
Inutos ng Senado ang kanyang pagkakakulong matapos siyang ma-cite for contempt dahil umano sa pagsisinungaling sa ilalim ng panunumpa sa Senate Blue Ribbon Committee na nag-iimbestiga sa mga ghost flood control projects.
Dakong alas-8:50 ng gabi nang isinagawa ang paglilipat. Kasama ni Hernandez ang mga tauhan ng Senate Sergeant-at-Arms, Police Security and Protection Group (PSPG) at BJMP. Nakasuot siya ng bulletproof vest habang nililipat.
Ayon sa abogado niyang si Atty. Ernest Levanza, "Nakakalungkot na kinailangan pang gumamit ng matitinding hakbang ang Senado para mailipat ang aking kliyente mula sa PNP Custodial Facility papuntang Pasay City Jail. Ang hakbang na ito ay mukhang may ibang motibo at parang paghihiganti."
Patuloy pa ring nagsasagawa ng pagdinig ang Blue Ribbon Committee tungkol sa mga iregularidad sa mga flood control projects kung saan kabilang si Hernandez sa mga iniimbestigahan.