Ang Audi ay nagpakita ng bagong Concept C, isang concept car na magsisilbing simula ng bagong design language para sa lahat ng kotse nito. Malakas ang inspirasyon nito mula sa sikat na Audi TT, pati na rin sa ilang modelong ginawa pa noong 1930s hanggang 2000s.
Sa harapan, kapansin-pansin ang vertical grille na may naka-display na Four Rings logo. Ang inspirasyon nito ay galing sa Auto Union Type C (1936) at Audi A6 (2004). Dahil dito, nagkaroon ng mas boxy at malakas na itsura ang bumper at emblem.
May dalawang upuan ang Concept C na may retractable hard-top roof, ngunit nananatiling sleek ang anyo nito. Ang rear fenders ay may malalapad na gulong na 21-inch, na inspired mula sa six-spoke wheels ng unang TT. Ang headlights at taillights ay dynamic at nagbabago depende kung araw o gabi.
Sa loob, binigyang diin ang clarity o pagiging simple at functional. Ang dashboard ay diretso lang, may digital gauge cluster, infotainment tablet na natatago, at touch bar para sa mabilisang access. May Audi Click sa mga buttons na may haptic feedback, habang ang ambient lighting ay nagbibigay ng warm at malinis na dating.
Kumpirmado ng Audi na ang Concept C ay gagawin para sa production at magiging simula ng bagong design language para sa lahat ng sasakyan nila. Ang ipinakitang disenyo ay siguradong magdadala ng panibagong direksyon para sa hinaharap ng brand.