
Ang mga operatiba ng PDEA ay nakahuli ng dalawang drug den operators sa Kidapawan City at nasamsam ang shabu na nagkakahalaga ng ₱6.8 milyon mula sa isang tulak sa Zamboanga City nitong Lunes, Setyembre 8.
Sa Kidapawan City, nahuli ang dalawang lalaki matapos makumpiska ang shabu at drug paraphernalia sa kanilang hideout sa Purok Mangga, Barangay Birada. Ang operasyon ay isinagawa sa tulong ng Cotabato Provincial Police Office matapos magsumbong ang mga opisyal ng barangay tungkol sa ilegal na bentahan ng droga sa lugar.
Ayon sa PDEA Region 12, matagal nang sangkot sa bentahan ng shabu at marijuana ang dalawang suspek at may koneksyon pa sa ilang liblib na barangay sa Kidapawan at kalapit na bayan. Agad isinara ang kanilang drug den at binantayan ng mga opisyal ng barangay.
Samantala, sa Barangay Sinunuc, Zamboanga City, nasamsam ang isang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱6.8 milyon mula sa isang lalaki matapos ibenta ito sa mga undercover agent. Agad siyang naaresto sa tulong ng mga opisyal ng barangay, mga impormante, at suporta mula sa Police Regional Office-9.
Parehong kaso ay kasalukuyang iniimbestigahan para sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.