Ang Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ay naglabas ng pahayag laban sa limang tinaguriang “BGC Boys” – mga district engineer at contractor na umano’y nagpasok ng kickbacks mula sa flood control projects sa mga casino. Ayon kay Lacson, hihilingin niya sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na ipafreeze ang kanilang mga ari-arian.
Pinangalanan ni Lacson sina Henry Alcantara, Brice Ericson Hernandez, Jaypee Mendoza, Arjay Domasig, at contractor Edrick San Diego na gumagamit pa ng fake IDs at aliases sa pagsusugal. Sa halip na talagang maglaro, ang taktika nila ay magpalit ng pera sa chips, matalo ng kaunti, at agad na mag-cash out para palabasing casino winnings ang kickbacks.
Batay sa casino records mula 2023 hanggang 2025, si Alcantara ay nagpalit ng halos ₱1.4 bilyon na cash sa chips at nag-cash out ng ₱997.8 milyon. Si Hernandez ay nagpalit ng ₱659.9 milyon na cash at naglabas ng halos ₱1.38 bilyon. Si Mendoza naman ay nagpalit ng ₱26.5 milyon pero naglabas ng ₱280 milyon. Umabot sa mahigit ₱950 milyon ang kabuuang lugi ng grupo sa 13 casino sa Metro Manila, Cebu, at Pampanga.
Dagdag pa ni Lacson, habang lumulubog sa baha ang mga taga-Bulacan dahil sa mga ghost projects, patuloy pa ring nag-eenjoy sa casino ang mga nasabing opisyal. Tinawag niya silang “walang hiya at walang konsensya.”
Ibinunyag din ni Lacson na konektado rito ang ilang pamilya ng mga kilalang opisyal tulad ng Maglanque, Bernardo, at Bonoan, na may hawak ng malalaking kontrata sa flood control projects at negosyo sa Clark.