
Ang Bureau of Immigration (BI) ay nagbabala sa Senado na laganap ang paggamit ng pekeng birth certificate para makakuha ng Philippine citizenship.
Naaresto ng mga ahente ng BI si Joseph Sy, isang mining executive, dahil umano sa paggamit ng pekeng dokumento para sa kanyang pagkamamamayan. Pinaghihinalaan na dumaan ito sa late registration, kapareho ng kaso ni Alice Guo.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, nakakatakot dahil kumpleto at orihinal ang mga dokumentong ipinakita ni Sy. “Kapag may birth certificate ka na, madali ka nang makakuha ng iba pang Philippine documents. Paano kung gamitin ito sa espionage o iba pang krimen?” dagdag pa niya.
Kasalukuyang nakakulong si Sy sa Camp Bagong Diwa sa Taguig habang hinihintay ang kaso laban sa kanya. Nag-leave din siya bilang chairman ng isang malaking mining company upang asikasuhin ang kanyang personal na usapin. Pinalitan siya pansamantala ng kanilang presidente Dante Bravo.
Samantala, nagbabala rin si Sen. Panfilo Lacson na posibleng maraming Chinese sleeper agents ang nakapasok na sa bansa gamit ang parehong sistema.