
Ang kampanya laban sa mga pasaway na driver ay tuloy-tuloy. Sa loob ng anim na buwan, 2,008 Show Cause Orders (SCOs) na ang inilabas sa mga driver, habang 420 lisensya naman ang tuluyang binawi dahil sa malalang paglabag sa batas-trapiko.
Ayon kay Kalihim Vince Dizon, ito ang pinakamaraming bilang ng nasuspinde at nabawi na lisensya sa kasaysayan ng ahensya. “Hindi kami titigil. Akala niyo titigil kami? Hindi kami titigil dito,” aniya.
Nagpasalamat din si Dizon sa mga masunuring motorista na tumutulong sa pamamagitan ng pag-report at pag-post ng video at larawan ng mga pasaway sa kalsada. Malaki raw ang ambag ng mga ito para mapanagot ang mga lumalabag.
Samantala, sinabi ni LTO Chief Atty. Vigor Mendoza II na target nilang makapaglabas ng hanggang 5,000 SCOs bago matapos ang taong 2025. Ipinatupad din ang 90-day suspension agad-agad sa mga mahuhuli sa video o larawan na lumalabag sa traffic rules.
Layunin ng kampanya na gawing mas ligtas ang kalsada at disiplinahin ang mga driver na patuloy na lumalabag sa batas.