
Ang 12 pulis sa Pasay City ay nahaharap sa kaso matapos mamatay ang isang suspek na kinilalang si John Paul Magat, mula Macabebe, Pampanga, noong Agosto 5. Namatay ang suspek matapos siyang ma-restrahan sa loob ng isang convenience store kung saan siya nagwala at nanira ng gamit.
Ayon kay PCol. Joselito de Sesto, tinawagan ng mga empleyado ang mga pulis matapos pumasok si Magat sa stock room ng tindahan at gumawa ng gulo. Dalawang tauhan mula sa Southern Police District Mobile Force Battalion (SPD-MFB) ang nag-restra sa kanya at makikita sa CCTV na siya ay na-pin down bago posasan.
Pagdating sa himpilan, nagreklamo si Magat na nahihirapan siyang huminga. Dinala siya sa Pasay City General Hospital at idineklarang patay bandang 9:40 p.m. Una, sinabi sa medikal na ulat na posibleng heart attack ang ikinamatay. Ngunit lumabas sa forensic exam na ang sanhi ng kamatayan ay asphyxia o suffocation dahil sa manual strangulation.
Kinasuhan ang 12 pulis ng reckless imprudence resulting in homicide, habang ang 2 tauhan ng SPD-MFB ay may dagdag na kaso ng maltreatment of prisoners. Nilinaw ni de Sesto na ang manual strangulation ay hindi nangangahulugang sinakal ng kamay, kundi posibleng nadaganan ang leeg ng biktima.
Lahat ng 12 pulis ay inalis muna sa puwesto, inalisan ng baril, at ilalagay sa ilalim ng administrative investigation. Ayon kay de Sesto, posibleng grave misconduct ang harapin nila. Paalala niya sa mga commander na kapag na-restrain na ang suspek, hindi na dapat gumamit ng sobrang puwersa.