Ang Viber ay naglabas ng pahayag kaugnay sa usapin ng online na pagsusugal. Ayon sa kumpanya, wala silang feature na nag-aalok o tumatanggap ng bayad para sa anumang gambling service.
Bagama’t pinapayagan ang ilang ads na may kinalaman sa pagsusugal, malinaw na sinabi ng Viber na ito ay sakop lang kung pinapayagan ng lokal na batas. Hindi rin sila direktang kasali sa pagbabayad ng mga transaksyon na may kaugnayan dito.
Nagpahayag ang Viber na nakikipag-ugnayan sila sa mga awtoridad ng gobyerno upang siguraduhin na ang kanilang mga polisiya ay tugma sa mga regulasyon. Dagdag pa nila, nakikipagtrabaho lang sila sa maingat na napiling partners para masigurong ligtas ang karanasan ng mga gumagamit.
Naging usap-usapan ang isyu matapos lumabas ang ulat na lumilipat na ang ilang operator ng pagsusugal sa iba’t ibang platform matapos ipatigil ng mga bangko at e-wallet sa bansa ang pagproseso ng bayad sa mga ganitong serbisyo.
Ayon sa kanilang advertising policy, pinapayagan ang ads tungkol sa casino, bingo, poker, at lottery, ngunit kailangan ng aprubado muna ng Viber at dapat sumusunod sa mga batas at regulasyon, kabilang ang tamang age restriction.