
Ang Pilipinas, Australia, at Canada ay nagsama ng kanilang barko at eroplano sa Scarborough Shoal noong Agosto 27 para sa isang air defense drill. Layunin nito na magsanay laban sa posibleng banta mula sa himpapawid at palakasin ang kooperasyon militar ng tatlong bansa.
Sa ilalim ng Exercise Alon 2025, nagsanay ang mga tropa sa iba’t ibang gawain gaya ng multi-domain warfighting, air defense exercise (ADEX), at photo exercise (PHOTOEX). Mahigit ₱216 milyon ang halaga ng aktibidad na dinaluhan ng higit 3,600 sundalo mula sa Pilipinas at Australia, kasama ang puwersa ng Canada at Estados Unidos.
Kasama sa lumahok ang BRP Jose Rizal (FF150) mula sa Philippine Navy, HMAS Brisbane (DDG41) ng Australia, at HMCS Ville de Québec (FFH332) ng Canada. Naglayag sila mula El Nido, Palawan patungong hilagang bahagi ng West Philippine Sea.
Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), ang drill ay patunay ng matibay na ugnayan ng Pilipinas sa mga bansang may parehong layunin na panatilihin ang seguridad at kapayapaan sa rehiyon.
Ang pagsasanay na ito ay isinagawa ilang linggo matapos ang insidente kung saan nagbanggaan ang mga barko ng Tsina habang hinahabol ang isang Philippine Coast Guard ship sa parehong lugar.