
Ang proposed P6.793-trilyong badyet para sa 2026 ay nakalaan sa edukasyon, kalusugan, transportasyon, at imprastraktura, kung saan edukasyon ang may pinakamalaking pondo. Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, 34.1% ng badyet o P2.314 trilyon ay inilaan para sa social services tulad ng edukasyon, kalusugan, at social protection.
Sa edukasyon, P1.224 trilyon ang nakalaan para sa basic at higher education, mas mataas ng P168 bilyon kumpara sa 2025. Pinakamalaki rito ang Department of Education na P928.52 bilyon, kasunod ang State Universities at Colleges na P134.99 bilyon, at Special Education Fund na P66.86 bilyon. Layunin nito maabot ang UNESCO target na hindi bababa sa 4% ng GDP sa edukasyon.
Para sa imprastraktura, P881.31 bilyon ang proposed para sa Department of Public Works and Highways. Kasama rin dito ang Build Better More Program, na may 54 flagship projects mula Bataan-Cavite Interlink Bridge hanggang Metro Manila Subway. Ang Department of Transportation ay makatatanggap ng P197.3 bilyon, triple ng kasalukuyang pondo.
Sa kalusugan, tumaas ng 23.6% ang proposed budget, kabilang ang P53.3 bilyon para sa PhilHealth subsidy at P27.7 bilyon para sa mga ospital sa Metro Manila. Layunin nito masigurong maabot ang Universal Health Care, lalo na sa marginalized groups.
Iba pang major allocations ay P299.3 bilyon para sa Depensa, P287.48 bilyon sa Interior and Local Government, at P239.16 bilyon sa Agrikultura. Ang kabuuang proposed badyet para sa 2026 ay mas mataas ng 7.4% kumpara sa 2025, at nakatakdang mas maging transparent ang budget deliberations sa Kongreso.