
Ang isang lalaki mula sa North Korea ay matagumpay na nakatakas patungong South Korea matapos niyang lumangoy sa dagat gamit ang mga plastic foam na nakatali sa kanyang katawan. Nangyari ito noong gabi ng Hulyo 30 matapos ang halos 10 oras na paglalakbay sa kanlurang bahagi ng Korean Peninsula.
Ayon sa mga opisyal ng South Korea, kumaway at sumigaw ang lalaki ng kanyang intensiyon na sumuko bago siya niligtas ng kanilang militar. Patunay ito ng desperasyon ng ilang tao na makatakas mula sa mahigpit na pamumuno sa North Korea.
Dahil sa mas mahigpit na seguridad at mga bagong kuta sa border na ipinatayo ni Kim Jong-Un, naging bihira na ang mga pagtakas. Dati, tumatakas ang marami sa pamamagitan ng China, ngunit ngayon, mas pinipili nila ang mas mapanganib na paraan tulad ng paglangoy sa dagat o pagtawid sa Demilitarized Zone.
Noong nakaraang taon, 236 na lamang ang nakatakas patungong South Korea, mas mababa kumpara sa mahigit 1,000 kada taon noon. Ayon sa United Nations, laganap ang paglabag sa karapatang pantao sa North Korea, kasama na ang pampublikong pagpatay, pagpapahirap, at sapilitang paggawa. Kalahati ng mga tao dito ay kulang sa pagkain.
Ang pagtakas ng lalaki ay isang pambihirang pangyayari na muling nagpakita ng kalupitan sa loob ng isa sa pinaka-isolated na bansa sa mundo.