
Ang bagyong Gorio (international name: Podul) ay opisyal nang naging typhoon habang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa PAGASA nitong Martes, Agosto 12.
Alas-4 ng madaling araw, ang sentro ng bagyo ay nasa layong 745 kilometro silangan ng Itbayat, Batanes. Kumikilos ito pa-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras, taglay ang pinakamalakas na hangin na umaabot sa 120 kph at bugso hanggang 150 kph. Sa kabila ng lakas nito, wala pang tropical cyclone wind signal na nakataas sa alinmang bahagi ng bansa.
Patuloy na umiiral ang habagat o southwest monsoon, na magdadala ng maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan, at thunderstorms sa MIMAROPA, Western Visayas, Negros Island Region, at Zamboanga Peninsula.
Sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa, asahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mga panaka-nakang ulan o thunderstorms dulot ng localized thunderstorms.