Ang walong beses na world champion na si Manny Pacquiao ang nanguna sa bagong listahan ng World Boxing Council (WBC) para sa welterweight division. Tumaas si Pacquiao mula sa ika-5 puwesto matapos ang majority draw laban kay WBC welterweight champion Mario Barrios noong Hulyo sa Las Vegas.
Kasunod ni Pacquiao sa ranking si Souleymane Cissokho mula France, Raul Curiel ng Mexico, Conor Benn ng Great Britain, at Egidijus Kavaliausikas ng Lithuania. Kasama rin sa Top 10 sina Thulani Mbenge, Jack Catterall, Emantas Stanionis, Rohan Polanco, at Abel Ramos.
Wala pang tiyak kung sino ang susunod na kalaban ni Pacquiao, ngunit kumpirmado na ang laban niya ay sa Disyembre. Isa sa mga posibleng makakasagupa niya ay si Mario Barrios sa rematch. Pinag-uusapan din ang pangalan nina Rolly Romero at Gervonta Davis bilang mga posibleng kalaban.