
Ang mag-asawang senior citizen sa Quezon City ay ninakawan ng kanilang P6,000 pension matapos maloko ng isang babae sa labas ng isang printing shop sa Barangay Commonwealth. Nakunan pa ito ng CCTV habang unti-unting dinudukot ang wallet ng biktima mula sa kanyang pulang bag.
Kwento ng 71-anyos na ginang, nilapitan sila ng babae at sinabing may namimigay na libreng bigas mula sa isang kongresista. Pinapirma pa sila ng papel at hiningan ng ID para umano sa photocopy, ngunit hindi niya namalayan na dinukot na ang kanyang wallet.
Ayon sa asawa ng biktima, anim na buwan nilang hinintay ang pension na iyon na sana’y gagamitin sa pang-araw-araw at panggamot ng pamilya. “Napakahalaga ng P6,000 na iyon kasi may sakit si misis at ang anak namin ay dumadaan sa dialysis,” aniya.
Dagdag ng Barangay Kagawad, may nauna nang nabiktima ng parehong paraan. May nagsauli ng wallet ng isa pang senior citizen ngunit wala na ang laman na pera. Pinaghahanap na ng awtoridad ang suspek na posibleng hindi residente ng Barangay Commonwealth.
Paalala ng mga opisyal sa mga senior citizen: mag-ingat at huwag basta magtiwala. Kapag kukuha ng pension o ayuda, mas mainam na magpasama sa kamag-anak o kakilala upang maiwasan ang ganitong insidente.