
Ang sakripisyo ng anak para sa ama ay nauwi sa trahedya. Si Dion Angelo “Gelo” dela Rosa, 20 taong gulang, ay namatay matapos magkasakit ng leptospirosis habang hinahanap ang kanyang nawawalang ama sa gitna ng malawakang pagbaha sa Metro Manila.
Nag-umpisa ang lahat noong Hulyo 22 nang umalis ang kanyang ama, si Jayson, para ihatid ang isa sa mga anak sa bus terminal sa Caloocan. Hindi na siya nakauwi. Paglipas ng 24 oras, nagsimula ang pag-aalala ng pamilya. Sa kabila ng taas ng baha at tuloy-tuloy na ulan, nagsagawa sila ng paghahanap sa iba’t ibang lugar at presinto.
Natagpuan si Jayson noong Hulyo 25, nakaposas sa Substation 2 sa East Grace Park, Caloocan. Ayon sa pulisya, siya ay inaresto dahil umano sa “kara y krus,” isang maliit na pustahan gamit ang barya. Mariing itinanggi ito ng pamilya, sinabing hindi manunugal ang padre de pamilya at hindi sila agad sinabihan tungkol sa pagkaka-aresto.
Habang nangyayari ito, si Gelo ay nagsimulang magkasakit. Noong Hulyo 27, matapos ang ilang araw ng paghahanap at paglusong sa baha, nagkaroon siya ng lagnat at kalaunan ay namatay dahil sa leptospirosis. Si Gelo ay isang third-year HRM student at inaasahang pag-asa ng kanilang pamilya.
Noong Agosto 2, nakapagpiyansa ang pamilya ng ₱30,000 para makadalo si Jayson sa burol ng anak. Sa social media, umani ng matinding reaksyon ang insidente, na tinawag na “sunod-sunod na kamalasan” at “parabula ng ating panahon.” Nananawagan ang pamilya ng hustisya at umaasang hindi na maulit ang ganitong uri ng pang-aabuso at kapabayaan.